Friday, August 20, 2010

Maging sino ka man - Rey Valera

1-2-3 PASS!!!

ni Divine faith B. CariƱo

    
 

May kanya- kanya tayong pananaw ukol sa pagsasama o pagpapakasal ng dalawang taong may parehas na kasarian, lalo’t higit kapag ang pinag uusapan  ay ang tungkol sa “pagtatalik”. Ngunit posible pa rin kaya ang Sexually Transmitted Diseases (STD) sa ganitong uri ng pagtatalik?
                 Kahit na may parehas na kasarian ang dalawang tao, hindi ibig sabihin na sila ay hindi apektado sa mga sakit na nakukuha sa pagtatalik, sa katunayan kalahati sa mga bilang ng mga may Human Immunodeficiency virus (HIV) ay nanggaling sa bilang ng mga nagtatalik sa parehas na kasarian. Isang halimbawa sa bansa na may ganitong datos ay sa United States. Kahit na napakadami ng mga programa para matulungan ang pagbaba ng bilang ng mga nagkaka HIV ay patuloy parin ito sa pagtaas.
          
              Kung ikukumpara ang pagtatalik ng babae sa babae at lalaki sa lalaki mas mataas ang posibilidad ng pagtransmit ng HIV sa lalaki. Sa katunayan, ayon sa mga epidemiologists isa sa dalawang lalaki na nakipagtalik sa kapareho nitong kasarian ay nagiging positibo sa ganitong sakit. Mas mataas ang posibilidad sa kanila dahil na rin sa uri ng mga ginagawa nila sa kanilang pagtatalik (variety of sexual practices) at sa bilang ng beses na nakipagtalik sila sa mga lalaki na posibleng nagtataglay din ng HIV. 
               
              Kahit na mas mababa ang bilang ng mga nagkaka STD sa pagtatalik ng babae sa babae kung ikukumpara sa mga lalake may mga datos pa rin na kung saan ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga ito. Sa  katunayan 30% ng bilang ng may medical histories ng may STD ay sa kanila nang galing.
    
      Madaling kumalat ang STD halimbawa na ang Human Immuno Deficiency(HIV),Aids,Syphilis,Human Papilloma Virus (HPV) at iba pang mga sakit sa pamamagitan ng mga fluids sa katawan ng tao na natatransmit sa kapartner sa pagtatalik. Halimbawa ng mga ito ay ang dugo (kasama ang menstrual blood),vaginal fluid at breast milk na natatransmit sa pagtatalik ng babae sa babae.
           
           Posible nga ang ganitong uri ng pagtatalik, ang pagtatalik ng magkaparehas na kasarian, na kung saan ay posible din ang pagkahawa ng mga sakit. Ngunit ang mga tao, kahit na alam nila ang dulot ng ganitong uri ng pagtatalik ay tila mga manhid at nagbubulagbulagan. Mga walang pakialam kung ang mga nakakatalik nila ay positibo sa sakit na ito. Basta ang alam nila, mahal nila ang kanilang karelasyon. Hindi nila iniisip kung ano ang magiging bunga ng mga ginagawa nila. At sa ilang iglap lamang ay maaari silang mahawaan o makahawa ng nakamamatay na sakit na ito. Para ka lang bumilang na “ 1-2-3” at naipasa mo na ang sakit na ito.
 

Tuesday, August 17, 2010

Trio Tagapayo

(Church, Government and Law)

Ni Maryjoy  T.  Duguran







          Ibat-iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa “same sex marriage”. May mga sumasang-ayon,dahil para sa kanila ay lahat naman ng tao ay may pantay na karapatan at may karapatan din silang magmahal. Ngunit karamihan sa kanila ay hindi sumasang-ayon dito dahil imoral daw ang  mga ginagawa ng mga ito. Kung ikaw ang tatanungin, sang-ayon kaba o tutol kung gagawing legal ang same sex marriage dito sa Pilipinas?

          Hayagang tinututulan  ng simbahan ang same sex marriage. Alam naman natin na ang Pilipinas ay isang kristyanong bansa. Ayon sa simbahan, malaking kasalanan ang makipagrelasyon sa kapwa mo lalaki kung ikaw ay isa ring lalaki at ganun din naman kung ikaw ay isang babae hindi ka ring pwedeng makipagrelasyon sa kapwa mo babae. Nilalabag ng mga bakla at lesbian ang kagustuhan ng Diyos na si Adan ay para kay Eba at hindi si Adan ay para kay Adan o si Eva ay para kay Eba. Ang dipensa  naman ng mga tomboy at bakla, sila ay mga tao rin at nagmamahal din. Kalian pa ipinagbawal ng Diyos ang pagmamahal sa kapwa? At parang hindi raw kumpleto ang kanilang pagmamahalan hanggat hindi sila naikakasal. Ito ang dahilan kung bakit gustong-gusto ng mga ito na maging legal ang same sex marriage sa ating bansa.

 Hanggang sa ngayon, hindi pa nagpapatupad ang gobyerno ng batas na magtatakda na gawing legal na ang same sex marriage. Hindi pa raw mulat ang mga mamamayan tungkol sa mga epekto kung gagawing legal ang bagay na ito at pinuprotektahan ng gobyerno ang kultura nating mga Pilipino na pagkakonserbatibo at ang mga relihiyosong tao dahil ikinukonsidera na rin natin ang pagiging maka-Diyos bilang isa sa mga kultura natin hanggang sa ngayon.
  
Kung ako ang tatanungin hindi ako sang-ayon sa same sex marriage sa dahilang kung magkakaroon man ng karapatan ang mga tomboy at bading na pakasalan ang kapwa babae o lalaki maaari pa itong makasira sa isang pamilya. Halimbawa, ang padre de pamilya o ang tatay na noong bandang huli lang napagtanto na hindi pala sya tunay na lalaki at imbes na maging padre de pamilya, gusto nyang maging ilaw ng tahanan. Napilitan lang syang pakasalan ang babae dahil sa di-sinasadyang pangyayari ay nabuntis nya ito at sa kung ano pang kadahilanan. In short, kung magkakaroon sila ng karapatang magpakasal sa kapwa nila lalake maiisipan nilang hiwalayan ang kanilang asawa at abandonahin ang kanilang pamilya at masisira ang bawat pamilyang may ganitong sitwasyon at kawawa ang pamilyang naiwan ng mga ito.  Kaya hindi ako sang-ayon sa gusto ng mga tomboy at bading na gawing legal ang same sex marriage. Ikaw? Ano sa palagay mo ang tama? ang sumang ayon o tumutol na gawing legal ang “same sex marriage”?

WALA NA BA SILANG KARAPATAN?

Ni Paul L. Rapsing
  





Mini, mini, maynimo, ang panahon ngayon ay nakakalito… Itong si JUAN ay di mo malaman kung sino, Ang maging JUANA ba ay gusto? O ang maging JUAN at JUANA ay pagsasamahin nito? “
            “Hay naku! Lumilipas nagbabago at nagkakapalit-palit ang mga anyo. Anyo? Oo tama ang basa mo. Isa lang ang tanung ko dito, same sexpartner may karapatan ba sa lipunang ito?”
            Sa kasalukuyan laganap na ang Gays at Lesbians sa ating lipunan.Ewan ko ba, Di naman sila nanganganak pero dumadami.
            Tanghali noon ako’y naglalakad nang may napansin akong dalawang lalaki na naglalambingan at sa kabilang dako naman ay dalawang babaeng naglalampungan. Bakit nga ba may ganun? Pwede kaya yun?
            Ayon sa ating Saligang Batas bawat isa sa atin ay may karapatang pumili, babae man o lalaki. Sa kabilang banda naisip ko na walang batas na nilabag ang mga taong nakita ko. Pero ang tanging masamang dulot nito ay marami ang naiimpluwensyahan lalo na ang mga kabataan sa halip na maging magandang modelo ang mga nakatatanda ay nababalahura ang kanilang imahe.
           
Marami na rin ang nagpatunay na dahil sa relasyong iyan marami ang nagkakaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng HIV at ang pinaka kilalang sexually transmitted disease (TULO) ngunit di rin natin  sila masisisi dahil ang nais lamang  nila ay lumigaya.

Bawat nilikha ay may karapatang pumili kung ano ang nais, maging babae, lalaki, third sex man o hindi, ang mahalaga’y alam ng bawat isa kung saan lulugar resulta ng bawat Gawain at manatiling walang naapakan sa kabila ng kaligayahan. Wala tayong karapatang humusga, Ang tanging paraan ay hayaan nating umunlad ang bawat isa at mamuhay ng maligaya sa mundong ginagalawan.

EUREKA! Hayaan natin maging Masaya!

 “Mini, mini, maynimo, ang panahon ngayon ay nakakalito… Itong si JUAN ay di mo malaman kung sino, Ang maging JUANA ba ay gusto? O ang maging JUAN at JUANA ay pagsasamahin nito? “
            “Hay naku! Lumilipas nagbabago at nagkakapalit-palit ang mga anyo. Anyo? Oo tama ang basa mo. “
 Same sex partner may karapatan sila sa  lipunang ito.

PAANO NA SI BABY?

Ni Carmina SP. Lim




           Ang isang pamilya ay binubuo ng nanay, tatay at ang kanilang mga anak na siya nagiging “union” ng pamilya para tumagal ang kanilang samahan ng panghabang-buhay.Sa kabilang dako, paano tayo nagkakaroon ng kasiguraduhan sa same-sex marriage na magtatagal ang samahan nila kung hindi naman sila pwedeng magkaroon ng anak?

            Legal na ang pag-aampon ng anak ng mga same sex couple sa maraming bansa dito sa mundo tulad ng Canada, Netherlands, South Africa, Spain, United Kingdom, maging sa US, Australia, Germany, Finland, at madami pang iba.

            Samantala may mga bansa na pumayag sa same sex adoption tulad ng England dahil sa sila ay nakapokus sa mga karapatan ng mag-asawa,dahil sa England ang same sex couple ay hindi matatawag na pamilya kung sila ay hindi mag-aadopt. Isa pa ay sa United States of America, na kung saan sila ay pumapayag na din sa pag-aadopt dahil sa maraming mga bata doon na walang mga  magulang ang nais o nag-aantay na may mag-adopt sa kanila. Mayroon pang isang dahilan kung bakit pumayag ang US sa pag-aadopt at ito ay dahil sa ayon sa pag-aaral doon na marami sa mga bata sa US na hindi kasama ang kanilang mga dalawang magulang.Sa katunayan ayon sa pag-aaral sa census noong 2000 na 24% lang ang pamilya doon na binubuo ng mag-asawang nanay, tatay at ang kanilang mga anak. Samantala, sa korte naman sa Florida sinabi na mas maganda daw kung ang isang bata ay papalakihin ng kanyang dalawang magulang na may magkaibang kasarian.Ngunit ayon naman sa mga scientific studies na ang bata na lumaki sa kanilang two-parent gays o lesbians households ay magiging maganda din ang emosyonal at sosyal na kalagayan kagaya ng kapag sila ay pinalaki nang dalawang magkaiba ang kasarian.Sinabi din sa pag-aaral na ang mga bata ay mas na-iimpluwensyahan ng magandang pakikisama sa kanila ng kanilang mga magulang at hindi sa "sexual orientation".Dahil dito sinuportahan ng American Association of Pediatrics ang pag-aadopt ng mga same sex couples.

            Bukod sa pag-aadopt ,mayroon pang isang paraan kung saan pwede silang magkaanak at ito ay ang “artificial insemination” ito  ay ang pinaka popular na paraan para sa mga lesbians para mabuntis. Ito ay sa pamamagitan ng pag-iinsert  ng sperm sa uterus ng babae para ito ay mabuntis. Ang babae dito ay maaaring gumamit ng sperm na galing sa sperm bank. Sa pag pili ng sperm cell, madami tayong dapat isaalang-alang tulad ng pag-examina ng mga ito, kung ito ay ba ay nagdadala ng mga sakit o kung ito ba ay malusog. At nakapaloob din dito ang mga “genetic information” mula sa donor nito. Ang prosesong ito ay isang napakalaking gastusin. Dito ay maaari kang pumili ng katangian ng donor,pero hindi mo din naman pwedeng makilala ang iyong magiging donor at walang responsibilidad ang donor sa magiging anak mo. Mayroon naming ibang mga babae na mas pinipili pa nila na magkaroon ng anak sa kanilang mga kakilalang donor. Pwede itong maisagawa sa pamamagitan ng mga kaibigan o iba nilang mga kamag-anak. Ito ay mayroong positibo at negatibong mga epekto. Isa sa mga positibong epekto ay maaari mong malaman kung sya ay malusog, ang kanyang family history at ang kanyang personalidad. Isa pa ay pwede syang maging bukas sa pagkakaroon ng involvement sa iyong magiging anak. At ang huli ay makakamura ka dahil hindi ka na magbabayad ng sperm at doktor na lamang ang babayaran mo. Sumunod naman ay ang mga negatibong epekto ,una ay maaari kang mahawaan ng STD at isa pa ang donor ay maaaring humingi ng custody sa bata.

            Dala ng modernong panahon ay kung anu-anong mga pamamaraan na ang naimbento sa pamamagitan ng teknolohiya. Oo,maaari nga silang magka-anak ngunit mas madadama ng mga mag-asawa ang pagiging magulang kung ang kanilang anak ay may pita ng laman na tulad ng sa kanila.

Sawsawero't Sawsawera

ni Arjelyn C. Santiago






        Hindi lingid sa kaalaman natin na marami nang magakarelasyong may parehong kasarian ang nagsasama. Pareho man ang kanilang kasarian ay ramdam nila ang pagmamahal na kumukumpleto sa kani-kanilang pagkatao. Ngunit kadalasan, iba ang iniisip ng mga taong nakapaligid sa kanila. Ano ang tinutukoy ko? Simple lamang DISKRIMINASYON mula sa mga taong walang ibang ginawa kung hindi ang pagtsismisan ang buhay ng may buhay. Ang mga halimbawang inyong mababasa ay ilan lamang sa mga patunay ng pag-uusig na ginagawa ng mga sawsawero’t sawsawera.
        
Para sa kaso ng mga bakla at lalaking magkarelasyon, ang karaniwang iisipin ng mga tao ay ganito, “mahal ni lalaki si bakla dahil ito ang nagpapakain, nagpapaaral, tumutustos sa lahat ng gastos at kung minsan pa nga’y suplayer ng load nito.” At panigurado, gwapo at macho si lalaki kaya hindi ito matanggihan ng bakla at game na game ito kahit mamahalin ang bibilhin. Go lang ng Go! Sigurado may mga lalaking ganoon lamang ang intensyon sa baklang kanilang kinakasama ngunit ang payo ko lamang, sana’y wag naman nilang lahatin. Mayroon pa din naming natitirang matitinong mga lalaki sa mundo.


        “Sayang naman! Ang gwapo sana ni bakla kung nagging lalaki siya, ang ganda ni girlalu kung hindi siya tomboy”,ani isang tsismosa. Ganyan ang karaniwang namumutawi sa bibig ng mga pakialamera. Ano ba naman ang pakialam ninyo? Katawan nyo ba iyon? Hindi namn di ba? Puso at isip nila iyon. Nagpapakatotoo lang sila sa sarili nila. Wala naman silang ginagawang masama o ilegal. Namumuhay at nagsasama lang naman sila ng masaya. Magreact kayo kung hindi na kanais-nais ang nakikita nyo sa kanila. Kung naaalibadbaran na kayo sa kanilang pagkilos at nagiging masamang ehemplo na sila sa mga kabataan, saka nyo sila punahin. Sa bandang huli desisyon nila iyon kaya anu man ang maging bunga sila ang may kagagawan noon.


        Isa siguro sa pinakamasakit sa parte ng mga magulang particular sa ama ang malamang ang anak nila ay isang bakla o tomboy. maaaring itakwil at palayasin ito sa kanilang bahay sa sandaling ito ay maglalahad ng kanilang pagkatao. Kung paglalahad pa lamang ay hindi na matanggap ng mga magulang, paano pa kaya kung ang kanilang pinakamamahal na anak ay magpakasal sa bakla o tomboy. Mga magulang, alam kong masyado pa akong bata upang magsalita ng ganito. Ngunit sana naman ay unawain natin ang ating mga anak. Kusa nila itong naramdaman. Hindi natin maaaring diktahan an gating nga anak kung sino ang mamahalin at pakakasalan ng mga ito. Unawain na lamang natin sila at tanggapin lalo na’t kaligayahan naman nila ang kapalit noon.

        Kung magpapakasal man ang isang bakla sa lalaki, tomboy sa kapwa babae, sana’y tanggapin na lamang natin sila. O kung hindi man mapigilan ang matatabil na dila, sarilihin natin ang mga komento at panlalait. Lagi nating tatandaan na iba man ang kanilang kasarian ay tao parin sila. May puso at marunong din masaktan. Karapatan din nilang gawin ang mga bagay na magpapaligaya sa kanila basta’t wala silang tinatapakan. Isipin mo na lamang kung ikaw ang nasa sitwasyon nila at inaalipusta, ano kaya ang mararamdaman mo?

        Sana sa maikling pahayag na ito ay nabigyan ko ng katarungan ang mga magkarelasyong may parehong kasarian mula sa mapanghusgang mata at bibig ng mga sawsawero’t sawsawera.